-- Advertisements --

Handa na raw ang Department of Health (DOH) na ipresenta sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang kanilang plano para sa nakatakdang distribusyon ng COVID-19 vaccines sa bansa.

Sa isang panayam sinabi ni Food and Drug Administration director general Eric Domingo, na posibleng sa susunod na linggo ay humarap ang Health officials sa IATF para pag-usapan ang vaccine implementation.

Kabilang daw sa mga pinag-uusapan ngayon ng DOH at Department of Science and Technology (DOST) ang paglalagakan ng mga bakuna o “cold storage facilities.” May mga bakuna raw kasi na sensitibo sa temperatura at hindi pwedeng basta na ilang iimbak.

Katuwang ng government agencies ang private sector sa paghahanap ng magiging cold storage facility ng mga dadating na bakuna.

Sa ilalim ng proposed 2021 budget ng DOH, P2.5-billion ang inaprubahan ng Department of Budget and Management na maging alokasyon para sa pagbili ng COVID-19 vaccines.

Pero ilang mambabatas ang umapela para madagdagan pa ang inilaang pondo nang mas maraming Pilipino pa ang mabakunahan ng lunas sa COVID-19.