Tiniyak ng Department of Health (DOH) na may sapat na suplay ng libreng gamot para malunasan ang Human immunodeficiency virus (HIV) at testing kits.
Ito ang pagtitiyak ni Health Secretary Ted Herbosa matapos irekomenda ng kagawaran ang pagdedeklara sa HIV bilang national health emergency makaraang manguna ang Pilipinas na may pinakamataas na bagong kaso ng HIV sa Western Pacific Region.
Ayon sa kalihim, sa kaniyang pagbisita sa San Lazaro hospital na isang major-government run treatment hub para sa “people living with HIV” (PLHIV), kumpleto ang kanilang suplay para sa antiretroviral drugs.
Aniya, binibigyan na ng tatlong buwang suplay ang isang pasyente kapag nagtutungo sa ospital at muling sinusuplayan ng ARV treatment kada tatlong buwan.
Binigyang diin din ng DOH chief na libre ang gamot na binabayaran ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ang mga HIV self test kits naman ay maaaring mabili sa mga botika sa bansa. Subalit nilinaw ni Sec. Herbosa na ang mga nag-take ng HIV test ay kailangan pa rin ng confirmatory test sa treatment hubs.