MANILA – Nanindigan ang Department of Health (DOH) sa pagbibigay suporta kay Sec. Francisco Duque III, sa gitna ng mga bagong panawagan na magbitiw ito sa pwesto.
“We had been faced this challenge from the very start and we have always verbalized our support for secretary (Duque),” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Muling nakaladkad ang pangalan ng DOH secretary sa kontrobersya nang ihayag ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. ang pagkadismaya ukol sa nabulilyaso umanong deal ng gobyerno sa 10-million dose ng Pfizer vaccines.
Bagamat walang pinangalanan si Locsin, itinuro ni Sen. Panfilo Lacson si Duque na siyang nasa likod ng hindi matutuloy na shipment ng COVID-19 vaccine sa Enero.
Ayon kay Vergeire, hindi naman kailangang maapektuhan ang kanilang trabaho sa DOH dahil sa mga kontrobersyang ibinabato sa kanilang pinuno.
“Tuloy pa lang din ang trabaho namin.”
“We have our processes na ginagawa ngayon at itong mga prosesong ito wala tayong nilalampasan, lahat ay tinutupad according to different protocols and guidelines.”
Batid umano ng ahensya ang pagka-inip ng publiko sa bakuna, lalo na’t maraming bansa na ang nag-uunahan sa supply ng COVID-19 vaccines.
“Mayroon tayong nakikitang impatience… naiintindihan namin yan, naiinip na yung mga tao especially for these vaccines, but please remember that government is trying to do its best so that we can have the vaccines as early as next year, but we need to also to abide the processes of the government para maayos ang lahat, and its going to be transparent and according to guidelines.”
Nitong Lunes nang manawagan si Sen. Manny Pacquiao kay Duque na bumaba na sa kanyang pwesto. Dapat daw ay palitan na ng bagong kalihim ang DOH.
“Hindi ko naman sinabing hindi niya kaya, pero ‘yong may mga kaya din na leader natin na nag-ambisyon din sa mamuno sa DOH, pagbigyan, para makita natin kung ano performance ng isang tao. Hindi kasi natin masabi na ‘Ito magaling na ito’, kung walang ibang maikukumpara natin,” ani Pacquio sa interview ng ABS-CBN News Channel.
Pero nanindigan si Vergeire na dumaan sa proseso ang lahat ng transaksyon na ginagawa ng Health department.
“Kami ay nananatiling sumusuporta sa aming liderato, kay Secretary Duque. Lahat naman ng aming sinasabi sa inyo, we are very transparent and according to the processes of the government.”
Una nang nakaladkad ang pangalan ni Duque sa issue ng umano’y ninakaw na pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at sinasabing “ghost dialysis patients” ng state-health insurer noong nakaraang taon.