MANILA – Umapela ang Department of Health (DOH) sa publiko na iwasan ang pagtangkilik sa mga sinasabing COVID-19 vaccines na nandito na sa Pilipinas.
Pahayag ito ng ahensya matapos lumabas ang ulat na may ilang insidente na ng pagtuturok ng umano’y bakuna sa ilang indibidwal dito sa bansa.
“Kapag gumamit tayo ng hindi rehistrado at authorized na bakuna para sa pamilya, hindi maga-guarantee ang safety at it will be efficacious,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang media forum.
Kamakailan nang ipag-utos ni Manila City Mayor Isko Moreno ang imbestigasyon sa umano’y pagtuturok ng COVID-19 vaccine sa Binondo.
“If true, this is definitely unauthorized since the undersigned has not ordered the same nor is he aware or informed that any national government agency will already conduct the said activity,” ayon sa liham ng alkalde.
Pero ayon kay Food and Drug Administration (FDA) director general Eric Domingo, wala silang nakitang bakuna sa itinuturong site ng vaccination nang mag-imbestiga.
Batid daw ng DOH na marami nang nag-aabang sa COVID-19 vaccine, pero paliwanag ni Usec. Vergeire, lahat ng bakuna o gamot na papasok sa Pilipinas ay kailangang dumaan sa evaluation at approval ng FDA.
“Nakikita namin yung kasabikan ng mga kababayan dito sa bakuna, pero kailangan natin alalahanin wala pang natatanggap ang FDA na any application from any manufacturer para magpa-rehistro ng kanilang bakuna dito sa bansa.”
“Ibig sabihin, wala pang rehistrado or authorized na vaccine na gamitin sa ating populasyon.”
Ayon sa Health spokesperson, walang kasiguraduhang ligtas ang mga medical products, tulad ng bakuna, na hindi FDA-registered, kaya dapat mag-ingat dito ang publiko.
“This may cause more harm than good. So sana antayin natin ang mga rehistradong bakuna na papasok sa bansa, dahil itong mga mare-register ng FDA, makakabigay kami ng garantiya na ito ay dadaan sa proseso na na-evaluate ng ating mga eksperto at FDA, and we can say that this will be safe and efficacious.”
Hanggang sa ngayon, wala pa rin daw natatanggap na opisyal na report ang DOH tungkol sa insidente.
Nagbabala naman ang kagawaran sa parusang haharapin ng mga mapapatunayang lumabag sa probisyon ng batas hinggil sa unregistered products.
Magugunitang umugong ang ulat na naturukan na ng COVID-19 vaccine sina Sen. Panfilo Lacson at House Majority leader Martin Romualdez.