MANILA – Kinontra ng tagapagsalita ng Department of Health (DOH) ang pahayag ng Malacanang na nagsabing nalampasan na ng bansa ang pinaka-malalang epekto ng coronavirus pandemic.
Sa isang press briefing, sinabi ni Usec. Maria Rosario Vergeire na maaga pa para sabihing nakaahon na ang Pilipinas mula sa krisis na dulot ng pagkalat ng COVID-19.
“I don’t think that this is the time for us to make conclusions at this point in our situation regarding this pandemic. Marami pang factors at challenges na kailangan nating harapin.”
Nitong Huwebes nang pumalag ang Palasyo sa resulta ng pag-aaral ng US-based thinktank na Moody’s Analytics. Sinabi kasi nito na posibleng India at Pilipinas ang pinaka-mahuhuling bansa sa Asia-Pacific region na makakabangon sa pandemya.
“Huwag po kayong mag-alala, the worst is over – sabi nga nila we’ve hit rock bottom and the only way to go is up,” ani Presidential spokesperson Harry Roque.
Ayon kay Usec. Vergeire, kailangan pa rin bantayan ng bansa ang developments tungkol sa COVID-19, katulad ng mga bagong variant ng virus na pumutok sa iba’t-ibang bansa.
Bukod dito, hindi pa raw malinaw ang naging epekto ng nagdaang holiday season, kung saan inaasahang tataas pa ang bilang ng confirmed cases dahil sa mga pagtitipon.
“Yung trend na nakikita natin ngayon medyo hindi stable. Isang araw magtatala ng 800, for another day 1,000. Then bababa ng 900; tataas ng 1,300, so its really unstable.”
“This is because of the effect of decrease in the output of our laboratories. From the time that the holiday have set in, hanggang itong mga January 3 or 4 nakita natin yung 30% ang binaba ng outputs ng ating laboratories and that has affected our trends a lot.”
Pumalag din ang DOH spokesperson sa online post ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. na nagsabing “na-flatten” na ng bansa ang “curve” o bilang ng COVID-19 cases.
Binigyang diin ni Vergeire na kailangan pang hintayin ang resulta ng coronavirus test ng populasyon na nag-celebrate noong Pasko at Bagong Taon.
“We’d like to veer away from the words ‘curve flattening.’ We will wait for upcoming reports in the coming days kung talagang ang pababa ng kaso ay totoo na o kailangan pa nating maghintay ng about 1 to 2 weeks para makita natin if really may pagtaas ng kaso because of the holiday activities.”
Sa isang Twitter post, sinabi ni Locsin na maaaring ang mga nagdaang lockdown ang dahilan kung bakit umano na-flat ang curve ng COVID-19 infections. Nagpasalamat pa ang kalihim sa mga heneral na nanguna sa pagpapatupad ng community quarantine.
“It’s flattened. We don’t know why. I suspect it was the long and periodic lockdowns. It wasn’t science. But it took plenty of courage from those enforcing the lockdown because they had to be in the line of infection to keep as many of us in our places. Thank our Generals,” ayon sa DFA secretary.
Sa huling tala ng DOH, umabot na sa 483,852 ang total ng COVID-19 cases sa Pilipinas.