Dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga tao na magtutungo sa mga beach para magpalamig habang papalapit ang panahon ng tag-init, pinaalalahanan ng Department of Health ang publiko na mag-ingat at iwasan ang pagkakaroon ng iba’t ibang uri ng sakit.
Sinabi ni Health Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na dapat siguruhing malinis ang tubig na paglalanguyan.
Ang paalala ay kasunod ng pagdagsa ng mga residenteng lumangoy sa may Baseco Beach sa Maynila noong weekend.
Sinabi ng health official na ang paglangoy sa hindi malinis na mga anyong tubig ay maaaring magdulot ng iba’t ibang sakit.
Una dito ang pananakit ng balat, tenga at mata.
Nariyan din ang leptospirosis, amoebiasis, typhoid fever at iba pang sakit sa gastrointestinal na maaaring makuha mula sa maruming kapaligiran.
Paalala pa ng health official sa mga magulang o guardian na iwasang paliguin ang kanilang anak sa maruruming tubig lalo na ang mga nahahaluan ng tubig baha.