Nagpaliwanag ang Department of Health (DOH) matapos mag-reklamo ang ilang emergency hired personnel na hindi pa rin daw nakakatanggap ng sahod, ilang buwan mula nang sila ay matanggap at mag-trabaho sa ilalim ng emergency hiring program ng pamahalaan.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, ilang delays ang nai-report sa pagpo-proseso ng mga kinakailangang dokumento ng hired encoders dahil sila ay naka-work from home.
Ibig sabihin, hindi direkta ang palitan ng requirements at dokumento ng Central office at hired workers; at naka-depende lang sa mga courier services.
“Sa side ng Central office, dahil marami ang naka-quarantine o naka-work from home, mayroong mga minsan na nagkakaroon tayo ng delays because of that.”
Tiniyak naman ng opisyal na matapos ang dalawang linggo ay matatanggap na ng encoders ang kanilang mga sahod.
“But we have already created a team to specifically focus on this and our objective is for the encoders to have their salaries in these next two weeks.”
BUDGET AND HUMAN RESOURCES FOR HEALTH
As of September 15, aabot na sa 8,196 ang human resources for health, kabilang dito ang encoders, na-hire ng DOH. Tinatayang halos 2,000 pa ang kulang, dahil sa ilalim ng Bayanihan 1 law ay 10,858 ang approved slots.
Sa ngayon naka-deploy na sa mga ospital, quarantine facilities, laboratoryo at iba pang pasilidad ang mga na-hire na health human resources.
Ayon kay Usec. Vergeire, isa ang recruitment para human resources for health sa mga inihirit nila sa Kongreso na madagdagan ng alokasyon sa ilalim ng 2021 budget, kung saan P9.95-billion ang kanilang hiling na maging pondo nito.
Aabot sa P127.28-billion ang inaprubahan ng DBM na proposed 2021 budget ng Health department. Mas mataas ng P27-billion mula sa kasalukuyan nitong budget ngayong taon na P100-billion.
“Kasama sa ating konsiderasyon yung mga nakita nating pagkukulang sa ating sistema, lalong-lalo na nung nagkaroon ng pandemya. Kaya itong proposed increase sa budget ay talagang nilagyan natin ng budget, we have proposed para ma-improve natin yung capacity ng health system.”
Bukod dito, ipinanukala rin daw nila ang P290-million allocation para sa pagpapalakas ng national reference laboratories, kabilang na ang RITM; P3.7-billion para sa prevention-control ng iba pang nakakahawang sakit; at P500-million na quick respond funds.