Tuloy-tuloy pa rin daw na makatatanggap ng benepisyo ang pamilya ng health care workers na namatay dahil sa COVID-19, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa huling tala ng ahensya as of August 1, 38 medical frontliners na ang namatay matapos tamaan ng coronavirus disease. Ang bilang na ito ay galing sa 5,008 total confirmed cases ng sektor.
Ang 4,576 sa kanila ay gumaling na, pero 394 pa ang active o nagpapagaling.
Paliwanag ng DOH, kahit nag-expire na ang Bayanihan to Heal as One Act noong June 25 ay may mapagkukunan pa rin ng pondo ang ahensya para sa death benefit cheque.
“The Special Allotment Release Order (SARO) that covers the funding requirements for the implementation of the law is valid until December 31, 2020,” ayon sa Health department.
“Hence, provision of the grant compensation to entitled healthcare workers is ongoing and
documentary requirements received from claimants are continuously processed by this Department until the period of validity of the approved SARO.”
Sa ilalim ng nabanggit na batas, inaatasan ang DOH na magbigay ng P1-milyong halaga ng cheke sa pamilya ng mga namatay na health care workers dahil sa COVID-19.
Makakatanggap naman P100,000 ang infected health care workers na umabot sa severe at critical ang lagay.
Mula sa 394 active cases, dalawa ang kasalukuyang severe ang sitwasyon, at isa ang kritikal.
Nitong Lunes, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibigay din ng kompensasyon sa health care workers na tatamaan ng COVID-19 kahit sila ay mild at asymptomatic case.
Nagpatupad din ang pangulo ng modified enhanced community quarantine sa Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna matapos umapela ang ilang medical groups dahil sa napupuno nang health care system.










