Nag-abiso na ang Department of Health (DOH) ukol sa inaasahang malaking bilang ng COVID-19 recoveries na kanilang ire-report sa Linggo.
Sa isang public announcement, ipinaliwanag ng DOH na bahagi ito ng kanilang “Oplan Recovery” o aktibong pagmo-monitor sa estado ng mga confirmed cases, partikular na ang mga namatay at gumaling.
“Through this initiative, data collection, validation and reconciliation of information is enhanced between the DOH Central and Regional Offices and the Local Government Units.”
Kung maaalala, umabot sa 37,000 time-based recoveries ang inulat ng DOH noong July 30. Noong July 13 naman ay aabot sa 4,000 time-based recoveries din ang kanilang ini-report.
“Since its activation, Oplan Recovery has been constant and continuous in order to ensure that our data is updated and accurate.”
Ayon sa DOH, asahan na ang regular nilang pag-uulat ng time-based recoveries tuwing araw ng Linggo. Ito’y bilang pagbibigay daan daw sa natatapos din nilang validation sa regional offices, kasama ang LGUs.










