-- Advertisements --

Nakakita ang Department of Health (DOH) nang pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases sa lahat ng rehiyon sa buong bansa.

Sa pagdinig ng House Committee on Health, sinabi ni DOH Epidemiology Bureau director Dr. Alethea de Guzman tuloy-tuloy at mabilis ang pagtaas ng COVID-19 cases sa lahat ng mga probinsya, highly-urbanized cities at mga independent component cities.

Sa pagsirit pa lang aniya ng COVID-19 infections sa National Capital Region at mga kalapit na probinsya, o ang NCR Plus, ay mas malaki na sa peak na naitala noon namang Setyembre 2021 bunsod ng Delta coronavirus variant.

Pero ang hospitalization pati na rin ang severe at critical cases ay nananatili namang mas mababa kumpara noong Agosto at Setyembre ng nakalipas na taon. 

Naniniwala si De Guzman na ang pagsirit ng COVID-19 cases ay bunsod ng Omicron variant, pero naka-abag din dito ang pinaluwag na pagsunod sa minimum health standards pati na rin ang delays sa detection at isolation.

Dagdag pa niya na ang naitalang pagtaas ng mga kaso ngayong Enero 2022 ay ang pinakamabilis at pinakamalaking case increase mula nang magkaroon ng pandemya.

Babala pa ng opisyal na bagama’t bumagal ang pagtaas ng COVID-19 cases, hindi pa nakakakita sa ngayon nang pagbaba ng naitatalang bagong kaso.