-- Advertisements --

MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na kulang pa rin ng mga ebidensya para masabing epektibo laban sa coronavirus disease (COVID-19) ang kilalang anti-parasitic drug na Ivermectin.

Reaksyon ito ng kagawaran matapos lumabas ang ulat na may ilang doktor ang nagre-reseta ng naturang gamot sa COVID-19 patients.

“Nakakuha kami ng articles ng pag-aaral. They have tried it in Bangladesh (in Dhaka), and mayroon na silang initial result. Pero ang kanilang sample size is very small, which is not really enough to conclude and to give us appropriate conclusions na talagang magwo-work ito,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Dito sa Pilipinas, ginagamit daw ang Ivermectin sa “mass drug administration” sa mga pasyenteng may komplikasyon na “lymphatic filariasis.”

Sa ngayon, wala pa rin naman daw nagpapasa ng aplikasyon para magamit “for compassionate use” ang naturang gamot.

Noong Agosto, unang nagbabala ang Health department sa publiko ukol sa paggamit ng Ivermectin drug.

Pinagsabihan din ng DOH spokesperson ang mga doktor na iwasan ang pagre-reseta ng mga gamot na hindi dumaan ng regulatory process.

“Off label siya kasi prinoduce siya for another purpose. Hindi po dapat tayo sumusubok ng ganito hangga’t hindi po tayo nagkakaroon ng approval ng FDA at saka ng ethics review board.”