Hinimok ni Sen. Panfilo Lacson ang Department of Health (DOH) na paigtingin pa ang kanilang information drive hinggil sa mga benepisyong makukuha sa pagpapabakuna kontra COVID-19.
Mainam aniya ito habang hindi pa dumarating sa ngayon ang mga biniling supplies.
Nababahala si Lacson na masayan lamang ang mga bakuna kontra COVID-19 kapag dumating na ang bulto ng mga ito sa Pilipinas at kakaunti lamang ang nais na magpabakuna.
Bagama’t nagsusumikap aniya ang pamahalaan para makarating na sa lalong madaling panahon ang mga COVID-19 vaccines, sinabi ni Lacson na maaring mag-expire lamang ito kung hindi naman payag ang mga tao na magpabakuna.
Iginiit ni Lacson na mahalagang itinutuon ngayon ng pamahalaan ang atensyon nito sa prevention pati na rin sa paggamot sa mga may sakit.