-- Advertisements --

Ipinaalala ng Department of Health (DOH) sa publiko ang ilan sa mga lumalakad nang stratehiya ng gobyerno para sa mental health, kasabay sa paggunita ng World Suicide Prevention Day.

Ayon kay Health Sec. Francisco Duque, kasing-halaga ng COVID-19 response ang importansya ng mga inisyatibo para sa mental health.

“Now more than ever, we need to promote holistic health, where we are caring for the body, the mind, and even the spirit,” ani Duque sa isang statement.

May umiiral daw na multi-sectoral approach para sa mental health at suicide prevention na ipinatupad ang DOH. Kabilang dito ang aktibong crisis hotline ng National Center for Mental Health, at libreng psychosocial services ng UP Diliman.

Sa ilalim kasi ng Republic Act No. 11036 o Mental Health Act, dapat ay mayroong komprehensibong suicide prevention services sa buong bansa.

Batay sa huling tala ng NCMH, umkyat sa 400 calls ang kanilang natanggap sa crisis hotline ngayong pandemic, mula sa 80 na tawag bago nagpatupad ng mga lockdown ang gobyerno.

Sa buong mundo, pinaka-vulnerable o madalas na tinatamaan ng depression ang mga nasa edad 15 hanggang 29-anyos. Mental health-related deaths naman ang ikalawang sanhi ng pagkamatay ng naturang age group.

Para sa World Health Organization, mahalagang maging sensitibo ang publiko sa kapwa, dahil bawat isa ay may papel na ginagampanan para mapigilan ang mga kaso ng suicide.

“We are not facing this alone. With compassion and understanding for others, we can recognize the signs and educate ourselves how to access help. We all have a critical role in preventing suicide by socially connecting with affected people and connecting people to mental health services or medical care,” ani Dr. Rabindra Abeyasinghe, WHO Philippine representative.

Dagdag pa ng opisyal, makakatulong ang simpleng pangangamusta at pakikipag-usap sa mga taong nakakaranas ng matinding kalungkutan o malalim na pag-iisip.

Hinimok naman ni Sec. Duque ang bawat Pilipino na panatilihing bukas ang mga diskusyon sa mental health, lalo na sa loob ng mga tahanan.

“The last six months have been difficult for many of us. As we transition into the new normal, let us enter it with an attitude of supportiveness and compassion. We need to be champions for positive change and total well-being.”

NCMH CRISIS HOTLINE: 1553, 0917 899 8727 / 7-989-8727