-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na walang matibay na ebidensyang makapagsasabi na may immunity o hindi na tatamaan ng virus ng COVID-19 ang mga itinuturing na nasa sektor ng mahirap.

Iginiit ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na mismong World Health Organization (WHO) na ang nagsabi na wala pang nadidiskubreng “immunity passports” tungkol sa bagong uri ng coronavirus.

“Wala pong ebidensiya na mayroong magiging immunity ang specific sectors of society. Kaya wala tayong dapat iniiisip na mayroong immunity dito. Wala pong sini-sino ang virus, kahit sino puwedeng magkaroon,” ani Vergeire.

Dagdag pa ng opisyal, wala pa ring katiyakan kung nakakapag-develop na ng immunity ang katawan ng isang pasyente na nag-positibo at gumaling sa naturang sakit.

Paliwanag ng Health official, hindi ibig sabihin na naging vulnerable sa exposure ng virus ang middle at upper class noong pumutok ang outbreak ay ligtas na nasa pinakamababang sektor.

“Kasi sila po ‘yung mga nagta-travel, sila po ‘yung may pera to travel abroad, to travel elsewhere in the Philippines. Also sila po ‘yung mga nag-aattend ng mga convention, mga conferences, sila rin yung madalas na magkakasama sa mga meeting.”

“Kaya hindi natin nakikita sa ating mga lower income class pero hindi natin pwedeng sabihin at hindi tayo dapat makampante na hindi ito nangyayari sa ating mga lower income class.”