-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi makakaapekto sa pagpili ng priority population para sa distribusyon ng COVID-19 vaccine sa bansa ang ihinihirit na emergency use authorization (EUA) ng ahensya.

“Nais lamang po naming linawin na magkaiba po ang purpose ng EUA at ang
pag-prioritize ng populasyon para sa pamimigay ng bakuna,” ayon sa DOH.

Ayon sa DOH, binibigyan lang ng kapangyarihan ng EUA ang mga bakuna o gamot na magamit agad ng publiko.

Ibig sabihin, iginagawad lang ito kapag mayroong health emergency tulad ng COVID-19 pandemic at may iba pang nakahahawang sakit.

Pati na kung may ebidensya nang epektibo ang produkto laban sa sakit at may positibong risk-benefit balance, at aprubado bilang alternatibong lunas.

Naka-base pa rin daw sa exposure, vulnerability at financial capability ang pagpa-prioritze sa mga unang makakakuha ng bakuna. Kaya hindi umano magbabago ang napiling sektor na unang mabibigyan ng COVID-19 base sa mga bakunang mabibigyan ng EUA.

“Ang pag-prioritize naman po ng mga unang makakakuha ng bakuna ay base sa
exposure/ risk-factor, vulnerability, at pinansyal na kakayahan.”

“Kaya naman po, hindi mababago ang identified sector na unang mabibigyan ng bakuna base po sa mga bakunang mabibigyan ng EUA.”

Nitong Martes nang humiling ang Department of Health, sa pamamagitan ng Food and Drug Administration, sa Malacanang para maglabas ng Executive Order si Pangulong Rodrigo Duterte sa emergency use authority

PAGPILI NG PRIORITY SECTOR SA PAGBABAKUNA

Samantala, sinabi rin ni kagawaran na ngayong darating na weekend ay magde-desisyon na sila kung anong mga sektor ang magiging priority ng COVID-19 vaccination.

Sa isang panayam sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, na target ng ahensya na palawigin pa sa 50 hanggang 60% ng populasyon ang mababakunahan mula sa orihinal na planong 20% ng mga Pilipino.

“We will be prioritizing specific populations first and then we can be able to roll it out and hopefully we can achieve this 60 percent of the population,” ani Vergeire sa ANC interview.

Pinagusapan na raw nina Pangulong Rodrigo Duterte, Sec. Francisco Duque at vaccine czar Sec. Carlito Galvez ang mga sektor na target masali sa priority ng COVID-19 vaccination.