Pinapaspasan na ng Department of Health (DOH) ang COVID-19 vaccination sa mga rehiyon bilang paghahanda sa posibleng surge ng infections bunsod ng mas nakakahawang Omicron variant.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na pinaghahandaan ng kagawaran ang posibleng kaparehong karanasan noon sa Delta variant, kung saan tumaas ang naitatalang COVID-19 cases sa ibang rehiyon dalawa hanggang tatlong linggo nang tumaas naman sa Metro Manila.
Ayon kay Vergeire, nagsimula nang tumaas ang COVID-19 cases sa iba’t ibang rehiyon sa bansa at ginagawa nila ang kanilang makakaya para sa mahikayat ang mga residente mula sa mga rehiyon na ito na magpabakuna na.
Iginiit ng opisyal na ang pagpapabakuna pa rin ang siyang pinakamahalagang dipensa kontra COVID-19 pandemic, lalo na sa banta ngayon ng Omicron variant.










