Mahigpit na binabantayan ng Department of Health (DOH) ang Davao City matapos makapagtala ng sunod-sunod na pagtaas sa bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, nakatakdang mag-set up ng One Hospital Command (OHC) sa lungsod dahil sa tumaas daw na criticial care utilization rate ng Davao City.
“Nakita natin na talagang yung kanilang criticial care utilization rate ay tumataas kaya ‘yan binabantayan natin.”
Magugunitang nilunsad ng ahensya ang OHC noong Agosto, na may layuning palakasin ang referral network para ma-reserba sa severe at critical cases ang mga pagamutan.
Bukod sa OHC, palalakasin din daw ng Health department ang “Oplan Kalinga” para naman mailipat sa step down facilities ang mga nagpapagaling na lang na pasyente.
Simula noong Biyernes, November 20, ay isinailalim sa general community quarantine ang Davao City (GCQ). Mas mahigpit ito mula sa modified GCQ na dating quarantine status ng lungsod.
“Ang re-implementation ng GCQ dito, kasama na yung mga strategy na ginawa natin noon sa Metro Manila, so that we can be able to help them ease yung kanilang pagtaas ng critical care utilization.”
Bukod sa Davao City, tinututukan din daw ng DOH ang Cebu City dahil muling tumataas ang kaso ng COVID-19 sa siyudad.
Sa kabila nito, nilinaw ni Usec. Vergeire na nasa mabuting estado pa rin ang coronavirus pandemic ng Pilipinas dahil nasa “plateau” o katamtamang antas ang pagkalat ng sakit.
“Yung criticial care utilization rate natin is nasa moderate risk, nasa around 53%. So kapag tingnan natin in general, this is a good indicator kasi nakaka-agapay tayo.”
Batay sa COVID-19 Data Tracker ng DOH, nasa 5,914 na ang confirmed cases na naitala ng Davao City. Ang Cebu City naman ay nasa 10,840 na.