MANILA – Hihintayin na lang daw ng Department of Health (DOH) na matapos ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kaso ng umano’y bentahan ng COVID-19 vaccines.
Pahayag ito ng ahensya matapos maaresto ang isang nurse at dalawang indibidwal na sangkot umano sa pagbebenta ng 300 doses ng bakunang Sinovac.
“Iniimbestigihan na ito ngayon ng NBI at ayaw naming i-preempt whatever their findings would be,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
“Ang imbentaryo namin everyday, so our LGU’s submits to vaccine cluster nationally and regionally after itong imbentaryo ng mga bakuna na nagamit versus yung bakunang mayroon sila. May mga tao rin tayong nagmo-monitor ng logistics.”
Muling pinaalalahanan ng opisyal ang publiko na huwag tangkilikin ang mga ibinibentang bakuna dahil sa ngayon libreng ipinapamahagi ng pamahalaan ang COVID-19 vaccines.
Umapela rin ang opisyal sa mga sangkot sa bentahan ng bakuna na intindihin ang pangangailangan ng bansa sa bakuna, lalo na’t limitado pa rin ang pandaigdigang supply.
“Intindihin natin na marami pa sa ating mga kababayan ang nababakunahan at hindi ito ang panahon para pagkakitaan natin ang isang bagay na mahalaga sa mga Pilipino.”
Nilinaw na ni Manila Mayor Isko Moreno na kahit empleyado ng Gat Andres Bonifacio Medical Center ang naarestong nurse, ay hindi naman vaccine supply ng lungsod ang pinaniniwalaang naibenta nito. – with report from Christian Yosores










