Nangangailangan pa rin daw ng 95,000 contact tracers ang gobyerno na tutulong sa paghahanap sa mga nakasalamuha ng confirmed COVID-19 cases sa bansa.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, kasalukuyang may 38,000 contact tracers ang bansa na galing sa local government units. Ang ideal daw kasi na bilang ay isang contact tracer sa kada 800 katao.
“Iyong 95,000, ‘yun ang kailangan nating tulong para makaagapay.”
Sa ngayon patuloy daw na pinaguusapan ang minimum qualifications ng mga iha-hire sa posisyon ng contact tracer.
May matatanggap naman umanong sahod ang mga ito sa ilalim ng salary grade ng civil service law.
Nitong Martes nang makapagtala muli ang Pilipinas ng record-high na bilang ng mga bagong COVID-19 cases sa loob ng isang araw.
Batay sa data ng DOH, may 350 na mga bagong kaso ng sakit kaya lumubo pa sa 14,669 ang total.