-- Advertisements --

Bukas ang Department of Finance na ikonsidera ang panukalang buhayin ang matagal ng natengga na Bataan nuclear power plant.

Sa layuning matugunan ang mataas na halaga ng kuryente sa ating bansa, sinabi ni Finance Secretary Ralph Recto na ang planong third party feasibility study para sa pagbuhay ng 620 megawatt ng Bataan nuclear power plant ay isang logical approach na nangangailangan aniya ng atensiyon.

Maaari din aniyang mabawasan ang electricity cost para sa mga konsyumer at maaaring gawing competitive ang PH para makahikayat ng mga mamumuhunan sa manufacturing at makalikha ng mas maraming dekalidad na mga trabaho para sa mga Pilipino.

Ginawa ng kalihim ang pahayag bilang tugon sa naging pahayag ni Energy USec. Sharon Garin na kasalukuyang inaantay na ng Nuclear Energy Program Inter-Agency Committee ng DOE ang approval ng DOF kaugnay sa posibleng kasunduan para sa rehabilitasyon para sa naturang nuclear power plant.

Sinabi pa ni USec. Garin na inendorso na ng Malacanang sa pamamagitan ng Office of the Executive Secretary ang planong paglagda sa memorandum of agreement kasama ang Korea Hydro and Nuclear Power.

Mahalaga aniya ang naturang kasunduan para sa pagsasagawa ng validation study na susuporta sa ginagawang pagsisikap para buhayin ang Bataan Nuclear Power Plant at mapanumbalik ang dati nitong operational status.

Bagamat ayon kay Sec Recto nakatakda pa lamang niyang pag-aralan ang anumang dokumentasyon kaugnay sa panukalang rehabilitasyon ng BNPP.

Matatandaan ang BNPP ay isang $2.3 billion project na itinayo ng Westinghouse Electric ng US noong kalagitnaan ng taong 1970s sa ilalim ng rehimen noon ni dating Pang. Ferdinand Marcos Sr.

Ang operasyon nito ay plinanong umpisahan matapos ang EDSA People Power Revolution subalit inabandona ito matapos ang insidente ng 1986 Chernobyl disaster sa northern Ukraine na itinuturing na worst nuclear disaster sa kasaysayan na nagbunsod naman sa matinding pagtutol sa pagoperate ng nuclear power plants sa Pilipinas.

Top