Nagbabala ang pamunuan ng Department of Energy-Oil Management Bureau (DOE-OIMB) laban sa ilang indibidwal na umano’y nagpapanggap bilang empleyado ng DOE.
Ayon sa ahensiya, isang nagnagngalang Railey ang naglilibot sa ibat ibang bahagi ng bansa at nagpapakilalang empleyado ng DOE,
Siya umano ay nag-aalok na magproseso at palawigin ang bisa ng LPG License to Operate (LTO) mula sa lima (5) hanggang pitong (7) taon.
Ang naturang indibidwal, ayon sa DOE, ay gumagamit ng numerong 09953266426.
Bukod dito, may ilan pang indibidwal na gumagamit na nag-aalok ng private delivery o paghahatid ng LTO sa halagang P600.
Paliwanag ng ahensiya, hindi nito ginagawa ang ganitong sistema at lalong lalo na ang paghingi ng pera mula sa mga kliyente nito.
Hindi rin umano ginagamit ng DOE ang mga Bayad Center o e-wallets kapag pumapasok ito sa mga ligal na transaksyon sa mga kliyente.
Dahil dito, pinayuhan ng ahensiya ang mga nagmamay-ari ng mga bentahan ng LPG, retailers, at mga industry stakeholders na maging mapanuri at huwag pumasok sa mga transaksyon kasama ang mga nagpapanggap na indibidwal.
Tiniyak din ng ahensiya na sumusunod ito sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees o Republic Act No. 6713, na nagbabawal sa mga opisyal at empleyado mula sa paghingi ng pera kaninuman.