-- Advertisements --

Gumagawa lamang umano ng problema ng kanilang problema ang Department of National Defense (DND) sa pagwakas nito ng tatlong dekadang kasunduan sa University of the Philippines (UP) na nagbabawal sa pagpasok ng mga pulis at sundalo sa mga campus ng unibersidad na walang pahintulot mula sa mga opisyal nito.

Kasabay nito ay umaasa si Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, na isang alumnus ng UP, na babawiin ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang desisyon ng kagawaran patungkol sa UP-DND Accord.

Sa kanyang liham, ipinaabot ni Lorenzana sa pamunuan ng UP ang desisyon nilang wakasan na ang kasunduan sa pagitan ng kagawaran at ng unibersidad, kung saan tinukoy ng kalihim ang umano’y recruitment na ginagawa ng mga rebelde sa mga estudyante sa loob mismo ng campus.

Sinabi ni Lorenzana na hinaharang ng kasunduan na ito ang pagbibigay ng DND nang epektibong seguridad para sa mga mag-aaral, faculty at empleyado ng UP.

Pero ayon kay Defensor, hindi kailangan ng UP ang anumang proteksyon mula sa military.

Ang pagkakaroon aniya ng military pressence sa UP, o sa anumang unibersidad o paaralan, ay maituturing na invasion sa academic freedom.