Naniniwala si incoming Finance Secretary Benjamin Diokno na bababa sa 1 sa 10 Pilipino ang antas ng kahirapan sa bansa pagsapit ng 2028, ang pagtatapos ng termino ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ngunit, mangyayari ito kapag ang ekonomiya ng bansa ay lalago sa 7% ngayong taon pagkatapos ay 6% para sa susunod na anim na taon, na maaaring magpababa ng debt-to-gross domestic product (GDP) ratio ng Pilipinas sa 3%.
Sinabi ni Diokno na ang mga papasok na economic manager ay naglalayon na ibaba ang debt-to-GDP ratio ng bansa sa 3% sa pagtatapos ng termino ni Marcos Jr., sa paniniwalang ito ay magagawa dahil sa kasalukuyang sistema ng buwis na iiwan ng administrasyong Duterte.
Napag-alaman na ang kasalukuyang Department of Finance ay nagmungkahi ng mga bago at mas mataas na buwis kasama ang tatlong taong pagpapaliban ng mga income tax reductions scheduled para sa mga indibidwal na nagbabayad ng buwis upang mabayaran ang mga utang ng bansa.
Gayunpaman, nauna nang sinabi ni Diokno na hindi siya pumapabor sa pagtataas ng buwis kahit na ang papasok na administrasyong Marcos ay nakatakdang magmana ng malaking utang.
Ngunit sinabi niya na titingnan pa rin ng mga papasok na economic managers ang mungkahi ng papalabas na administrasyon at “alamin kung alin ang magagawa at hindi magagawa.”