Kinundena ng Diocese of Surigao ang napaulat na pang-aabuso ng Socorro Bayanihan Services Inc. sa mga mamamayan ng Socorro.
Sa isang pahayag, sinabi ng Our Lady of Perpetual Help Parish na tinututulan nito ang mga aksyon, paniniwala, at mga ritwal ng naturang grupo.
Maalalang una nang nabunyag na ang naturang grupo ay naniniwalang ang kanilang lider na kinilalang si Jay Rence Quilario alyas Señor Agila ay isa umanong reincarnation ng Diyos, at itinuturing din siyang Santo Nino.
Ayon sa Our Lady of Perpetual Help Parish, hindi kapani-paniwala ang paggamit at paniniwala nila sa Santo Nino dahil ang kanilang pinaniniwalaang diyos ay si Quilario at hindi si Jesus.
Tiniyak din ng Diocese na ang naturang grupo ay walang kaugnayan sa Catholic Church o anumang affiliated Church groups sa lugar.
Maliban sa pagkundena, sinabi rin Our Lady of Perpetual Help Parish na pamilyar o may ‘common knowledge’ ang simbahan ukol sa mga aksyon ng naturnag grupo.
Nakakalungkot, ayon sa simbahan, ang sinapit ng mga biktima at patuloy itong mananalangin ng hustiya para sa mga naging biktima ng naturang grupo.
Umapela rin ang Simbahan sa pamahalaan na tulungan ang mga nalokong miyembro ng grupo.