-- Advertisements --

Inatasan ni Interior Sec. Eduaro Año ang lahat ng local government units at polic chiefs na tiyakin na lahat ng mga pribado at pampublikong sementeryo, memorial parks, at columbariums ay sarado sa Todos Los Santos.

Ipinapaalala ni Año na sarado ang mga sementeryo mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4, na nangangahulugan lamang na anumang uri ng mass gathering sa mga lugar na ito ay mariing ipinagbabawal.

Iginiit ng kalihim na Setyembre pa lang ay nagbigay na ng kautusan si Pangulong Rodrigo Duterte, kaya inaasahan nila na tutugon dito ang mga LGUs para na rin sa kaligtasan ng lahat sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Inatasan naman din ni Año ang mga police commanders sa bansa na tumulong para matiyak na compliant ang lahat ng sementeryo sa mga umiiral na quarantine protocols.

Dapat ay natalakay na aniya ng mga alkalde at kanilang local police commanders ang patakaran na ipapatupad sa kanikanilang mga lugar.

Ang mga patakaran na ito ay dapat aniya naayon sa itinatakdang guidelines ng national government.

Sa ngayon, sinabi ni Año na ang bilang ng mga bisita sa sementeryo, memorial parks at columbariums ay dapat limitahan lamang sa 30 percent ng kapasidad nito sa ngayon.

Lahat ng mga pumpasok sa mga ito ay dapat nakasuot ng face mask at face shield, at palaging sinusunod ang physical distancing.