-- Advertisements --

Hindi sang-ayon si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa mungkahing limitahan lamang sa mga hindi pa nababakunahan ang posibleng pagpapatupad ng lockdown sa harap ng banta ng mas nakakahawang Delta variant.

Ayon kasi kay Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion hindi dapat i-lockdowna ng buong ekonomiya, bagkus ay limitahan lamang ito sa mga indibidwal na hindi pa nababakunahan kontra COVID-19.

Pero ayon kay Año, kailangan na pag-aralan muna ito ng mga eksperto, at anuman ang magiging desisyon patungkol sa lockdown ay dapat nakabase sa siyensya.

Hindi naman kasi aniya nangangahulugan na kapag bakunado na ang isang indibidwal kontra COVID-19 ay hindi na ito makakapanghawa sa iba, lalo na ngayong mayroong marami nang nagsulputang variants coronavirus tulad ng Delta.

Makikita naman aniya sa karanasan ng ibang bansa na ang Delta variant na ito ay “uncontrollable” na uri ng coronavirus kaya anumang rekomendasyon hinggil sa mga restrictions ay kailangan ng masusing pag-aaral at pag-uusap din ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Bukod dito, mahalaga ring makonsulta muna ang iba’t ibang local government officials hinggil dito dahila kailangan ding paghandaan ang tulong na ibibigay sa mga residenteng maapektuhan ng mga posibleng ipatupad na lockdowns.