-- Advertisements --

Kung ang Department of Interior and Local Government (DILG) daw ang tatanungin, dapat nang baguhin ang kwalipikasyon ng mga tatakbo sa posisyon ng barangay.

Pahayag ito ng DILG kasunod ng mga natanggap nilang ulat tungkol sa ilang barangay officials na nananamantala sa pamamahagi ng cash subsidy dahil sa COVID-19 crisis.

Sa isang panayam sinabi ni Interior Usec. Jonathan Malaya, na dapat maging katulad na ng qualifications ng national government officials ang batayan para makatakbo ang isang barangay official.

Matindi raw kasi ang pangangailangan ng “professional barangay” sa gitna ng mga ganitong krisis.

Batay sa tala ng DILG, aabot na sa 3,000 reklamo ang isinumbong sa ahensya kaugnay ng hindi umano patas na distribusyon ng cash aid.

Isinisi ng ahensya ang mga reklamo sa umano’y kapabayaan ng ilang opisyal ng barangay.

Ngayong araw, May 10, ang deadline ng pamamahagi ng social amelioration cash subsidy sa target na 18,000 low-income families.