Handa na pagsapit ng unang araw ng Setyembre ngayong taon ang digital COVID-19 vaccine certificates o IDs para sa National Capital Region, ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos.
Kinukolekta na kasi aniya ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang lahat ng datos hinggil sa COVID-19 vaccination sa NCR.
Nauna nang sinabi ng DICT na sa Setyembre nga ilulunsad ang digital COVID-19 vaccine certificate portal.
Ayon kay DICT Undersecretary Emmanuel Caintic, nakikipag-ugnayan ang kagawaran sa Department of Health para ilunsad ang “VaxCertPH” sa unang linggo mismo ng Setyembre.
Sinabi ni Abalos na nakiusap siya kay Caintic para sa pagkakaroon ng feature kung saan maaring i-check ng LGUs sa NCR kung ang isang tao ay naturukan na ng COVID-19 vaccine doses mula sa iba’t ibang LGUs para maiwasan na madoble ang pagtuturok sa kanila ng bakuna.
Kaugnay nito, muling nagbabala ang chairman ng MMDA sa mga kumukuha ng booster shots sa iba’t ibang LGUs.
Ang mga mahuhuling gumagawa nito ay tiyak na makukulong, ayon kay Abalos.