
Todo ang paghikayat ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa publiko para magparehistro ng kanilang SIM cards bago ang nakatakdang deadline sa Abril 26 upang maiwasang ma-deactivate ito.
Muling ipinaalala ng ahensiya na hindi na papalawigin pa ang deadline.
Ibinabala din ng DICT na ang kabiguang makapagparehistro ng SIM card ay magreresulta sa deactivation nito kung saan hindi magagamit ang voice calls, text messaging at mobile data services.
Sa kasalukuyang bilang kasi ng nakarehistrong SIM cards, ayon sa DICT malayo pa mula sa target.
Sa datos noong Abril 7, nasa kabuuang 62,170,268 ang rehistradong SIM cards o katumbas ng 36.79% ng 168,977,773 subscribers sa buong bansa.
Hinimok din ng DICT ang lahat na magrehistro ng kanilang SIM card sa kanilang public telecommunication entity (PTE) at maging maingat sa pagkumpleto sa registration process upang maiwasan ang anumang fraudulent activities gaya ng scams at identity theft.










