Kinondena ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Biyernes, Agosto 7, 2026, ang pag-iwan sa mga kabaong na may mensaheng anti-China sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.
Tinawag ng DFA na isang “iresponsable at kawalang-galang” ang insidente na hindi kailanman nito kukunsintihin.
Binigyang-diin ng kagawaran na bagamat kinikilala ang kalayaan sa pagpapahayag, hindi nito saklaw ang pananakot o banta ng karahasan laban sa sinumang dayuhan o opisyal ng ibang bansa.
Ayon pa sa ahensiya, seryoso ang pamahalaan sa pangakong tiyakin ang kaligtasan ng mga foreign diplomat alinsunod sa Vienna Convention.
Ang ganitong aksyon aniya ay hindi sumasalamin sa paraan ng gobyerno sa pamamahala ng ugnayan sa ibang bansa.
Hindi rin ito ang tamang paraan ng pagpuna ng mga Pilipino sa mga sensitibong isyung pampolitika.
“The Philippine government reaffirms that it takes seriously its duties and obligations concerning the safety and security of foreign nationals and officials in the country, including those arising from the Vienna Convention on Diplomatic Relations and the Vienna Convention on Consular Relations,” giit ng DFA sa isang statement.
Kaugnay nito, kasalukuyang nakikipagtulungan na ang DFA sa law enforcement authorities upang matukoy kung sino ang mga may pananagutan sa likod ng planadong pagkilos na ito.
Una rito, limang inabandonang kabaong ang magkakahiwalay na nakita sa mga kalsada ng Maynila, Quezon City, Makati, at Caloocan ngayong Biyernes.
Ang kabaong na nahanap sa Welcome Rotonda ay naglalaman ng mukha nina Chinese President Xi Jinping, Foreign Minister Wang Yi, at Ambassador Jing Quan.















