
Kinalampag ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang China na igalang ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea salig sa UNCLOS o United Nations Convention on the Law of the Sea at respetuhin ang freedom of navigation o kalayaan sa paglalayag
Ito ay matapos ang insidente sa may Ayungin Shoal noon lamang Abril 23 kung saan muntikan ng magkabanggaan ang Chinese at Philippine vessels.
Iniulat ni DFA spokesperson Ma. Teresita Daza lumapit ang China Coast Guard vessel No. 5201 sa loob ng 50 yards ng BRP Malapascua na humarang sa dadaanan ng barko ng Pilipinas at naglagay sa ma crew nito sa seryosong panganib.
Naitala rin ang kaparehong insidente noong Abril 19 kung saan sangkot muli ang Chinese Coast Guard vessel 5201 at 4202 laban sa BRP Malapascua ng Pilipinas na patungo noon ng Ayungin Shoal.
Muling binigyang diin ng DFA official na mayroong legal na karapatan ang Pilipinas na magsagawa ng routine maritime patrols sa ating territorial waters at exclusive economic zone kabilang dito ang deployment ng BRP Malabrigo at BRP Malapascua sa WPS mula noong Abril 18 hanggang 24.
Iginiit ni Daza na ang pangingialam ng Chinese Coast Guard sa routine patrol ng Pilipinas ay paglabag sa freedom of navigation.










