Isinasapinal na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Trade and Industry (DTI) ang specifics ng Sustainable Livelihood Program (SLP) para sa maliliit na ratailers o nagbebenta ng bigas na apektado ng pinaiiral na price cap sa regular at well-milled rice.
Ito ay kasunod na rin ng pagpupulong nina DSWD Secretary Rex Gatchalian at DTI Undersecretary Carol Sanchez sa Central office ng DSWD kung saan tinalakay kung paano maayos na maipapatupad ang SLP cash payout ng DSWD alinsunod sa ibinabang Executive order No. 39 ni PBBM.
Ayon kay DSWD spokesperson Romel Lopez, layunin ng pagpupulong na mapabilis ang pagkumpleto ng master list ng mga kwalipikadong maliliit na rice retailers sa buong bansa na magiging benepisyaryo ng pinansiyal na tulong na nagkakahalaga ng P15,000 sa ilalim ng SLP upang maipamahagi na ang actual payouts sa lalong madaling panahon.
Gagamitin aniya ang naturang programa upang maprotektahan ang mga retailer ng bigas sa gitna ng ipinapatupad na price cap.
Ang DSWD aniya ang responsable para sa pamamahagi ng cash assistance habang ang DTI naman ang siyang mangangasiwa sa grievance at complaint component ng programa.