
Ilalabas na sa susunod na linggo ang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) sa petisyong idsikwalipika ang service provider na Smartmatic sa bidding process para sa midterm election sa taong 2025.
Inihayag ni Comelec chairman George Erwin Garcia na iprepresenta sa araw ng Miyerkules ang draft ng resolution upang maaprubahan o matutulan ng en banc ang mismong draft resolution.
Nais kasi aniya ng poll body na madesisyunan na ang naturang isyu ng diskwalipikasyon ng naturang kompaniya bago pa man simulan ang mismong bidding process.
Una ng sinabi ng Comelec na opisyal ng binuksan ang bidding para sa P18.827 billion lease contract para sa bagong automated election system para sa 2025 midterm elections.
Matatandaan na ang petisyon laban sa Smarmatic ay inihain ni dating Department of Information and Communications Technology chief Eliseo Mijares Rio Jr., Augusto Cadelina Lagman, Franklin Fayloga Ysaac, at Leonardo Olivera Odono noong June 15 dahil sa isyu may kinalaman sa umano’y iregularidad noong 2022 elections.
Subalit pinabulaanan ng Smartmatic ang alegasyon at iginiit na walang katotohanan at walang basehan ang naturang spekulasyon na ang layunin lamang ay sirain ang kompaniya.
Kumpiyansa rin ang Smartmatic na 100% wasto at walang anomaliya ang resulatng halalan noong 2022 at positibong ibabasura ng Comelec ang petition dahil kawalan ng merito.









