-- Advertisements --
image 341

Tinanggal na ang deployment ban sa mga manggagawang Pilipino na mayroong existing na kontrata o nagplaplanong magtrabaho sa India.

Ito ay matapos na payagan ng gobyerno ng Pilipinas ang deployment ng overseas Filipino workers (OFWs) makaraang ipairal ang ban dahil sa hindi pagtalima ng India sa tatlong kondisyon na inilatag ng Pilipinas.

Kabilang dito ang batas na nagpoprotekta sa OFWs, pag-ratipika sa International Convention on the Protection of the Rights of All Migrant Workers and Members of their Families (CRMW) at ang bilateral labor agreement ng Pilipinas sa India.

Ayon sa Philippine Embassy sa New Delhi, ang mga manggagawa na newly-hired o ang kontrata ay na-renew ay pinapayagan ng makapagtrabaho sa India sa kondisyon na ang kanilang kontrata ay duly authenticated ng embahada.

Kasunod na rin ito ng abiso ng embahada na tumatanggap na ito at bukas para sa pagproseso ng aplikasyon para sa employment contract authentication.