-- Advertisements --

Maaring suspendihin ng regional offices at schools division ng Department of Education (DepEd) ang pasok ng mga estudyante sa kanilang mga nasasakupan sa harap ng pagsirit ulit ng COVID-19 cases at pagkahawa sa naturang sakit ng mga guro at estudyante.

Sinabi ni DepEd Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio na maari itong gawin base na rin sa health situation ng mga estudyante at mga guro sa ilalim ng hurisdiksyon ng mga regional offices at schools division ng paaralan.

Dipende na rin aniya sa mga ito kung gaano katagal ang magiging class suspension, pero hindi aniya naman ito kailangan lumagpas ng dalawang linggo.

Maari rin aniyang magpatupad ng adjustments sa school calendar para matiyak na ang bilang ng class days o pasok ng mga estudyante sa kasalukuyang school year ay pasok pa rin sa minimum na 220 days.

Samantala, ang mga private schools ay maari ring magpatupad ng kaparehong direktiba pahinggil sa suspension ng mga pasok at K to 12 learning activities kapag tumaas din ang COVID-19 risk sa kanikanilang mga lugar.