-- Advertisements --

Aabot sa 155 na errors ang nakita at naberepika ng Department of Education (DepEd) sa mga learning materials o modules ng mga estudyante mula noong nakalipas na taon.

Sa pagdinig ng House Committee on Public Accounts, iniulat ni DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio na 163 errors sa mga modules ng mga estudyante sa gitna ng online learning system ang isinumbong sa kanila mula Oktubre 2020 hanggang Hunyo 2021.

Pero pagkatapos na dumaan ito sa validation, bumaba ang bilang sa 155, ayon kay San Antonio.

Sa naturang bilang 100 ang nakita sa mga locally-developed materials, na ipinawasto na nila sa division office sa pamamagitan nang paglalabas ng errata sa mga errors na ito.

Ayon kay San Antonio, naglabas na rin ng notes ang DepEd sa mga guro para mawasto ang mga pagkakamali na ito.

Samantala, aabot naman sa 20 na errors ang hindi matukoy ng DepEd kung saan nagmula.

Sa naturang pagdinig ipinakita naman ng isang nagngangalan na Antonio Calipjo-Go ang learning materials ng DepEd na naglalaman ng mahalay na salita.

Partikular na ipinakita ni Go sa mga kongresista ang module na nagbibigay kahulugan sa salitang “aswang” kung saan nakasaad na ang aswang ay pinaniniwalaang tao na kumakain ng kapwa tao at sila raw ay gising pag gabi para maghanap nang makakatalik o maaswang.

Pumalag dito si AAMBIS-OWA Party-list Rep. Sharon Garin at iginiit na hindi katanggap-tanggap ang mga pagkakamali sa modules na ito.

Maging si San Antonio ay iginiit ding maging siya ay ayaw din nang may mga errors sa module ng mga estudyante.