-- Advertisements --

Mariing kinondena ng Department of Education (DepEd) ang pagbaril-patay sa 14 anyos na babaing estudyante habang sinasagutan ang kaniyang learning modules sa kanilang bahay sa Talisay city sa Cebu.

Sa inilabas na official statement ng DepEd ngayong Sabado, nagpaabot din ng pakikiramay ang ahensiya sa naulilang pamilya, kaibigan at classmates ng biktima sa panahon ng kanilang pagdadalamhati.

Iginiit din ng ahensiya na walang mga mag-aaral ang dapat na matakot para sa kanilang kaligtasan habang itinataguyod ang kanilang pag-aaral sa bahay man o sa eskwelahan.

Kayat umapela ang DepEd sa mga awtoridad na agad at masusing imbestigahan ang karumal-dumal na krimen at panagutin ang mga salarin.

Inihayag din ng DepEd na lubha itong nababahala at naalarma sa kamakailang mga insidente ng brutal na pagpatay sa mga menor de edad lalo na sa mga babae.

Bunsod nito, hinihimok ng ahensiya ang mga local authorities at komunidad na magtulungan laban sa karahasan at para siguruhin ang kaligtasan ng mga mag-aaral.

Matatandaan na nangyari ang krimen nang pwersahang pasukin ng isang nakamask na suspek bahay ng bitima habang sinasagutan nito ang kaniyang modules sa Barangay Cansojong.

Iniimbestigahan naman na ng Talisay Police ang motibo sa krimen kung may kaugnayan ito sa pagkakasangkot sa iligal na droga ng kamag-anak ng pinatay na estudyante at ang person of interest sa krimen.