-- Advertisements --

Bukas ang Department of Education sa mga deliberasyon sa panukalang taasan ang sahod ng mga public schools teachers sa P50,000 kada buwan.

Ayon kay Education Undersecretary at spokesperson Atty. Michael Poa, palaging magsusulong ang DepEd para sa karagdagang benepisyo para sa mga guro.

Nauna nang naghain ng House Bill 9920 sina ACT Teachers Rep. Francisca Castro, Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas at Kabataan Party-list Rep. Raoul Danniel Manuel na naglalayong i-upgrade ang suweldo ng mga guro mula Salary Grade 11 hanggang Salary Grade 15.

Ayon sa mga naturang nagsusulong ng panukalang batas, ang kasalukuyang suweldo ng mga guro ay hindi sapat para matugunan ang family living wage na P1,119 kada araw o P33,570 kada buwan.

Ani Poa, hindi maaaring imungkahi ng DepEd ang “ideal salary” para sa mga guro sa pampublikong paaralan dahil ito ay depende sa resulta ng pag-aaral ng World Bank.

Dagdag pa rito, ang datos umano mula sa World Bank sa mga susunod na Linggo ay gagamitin sa mga deliberasyon sa House of Representatives. (With reports from Bombo Kelly Cordero)