
Inihayag ng Department of Health (DOH) na nakikipag-ugnayan sila sa Department of Education (DepEd) sa paglikha ng basic training module para sa suicide prevention sa mga paaralan.
Ayon kay Lindsay Orsolino ng DOH Mental Health Division and Designing Behaviors for Mental Wellness, ang training module ay hindi ganap na isasama sa pangkalahatang curriculum ng Department of Education.
Nilalayon nito na gabayan ang parehong mga kawani ng teaching at non-teaching staff ng mga paaralan.
Sinabi ni Orsolino na hindi bababa sa 42 education managers mula sa Department of Education, bureau chief, technical staff, principal, guidance counselors, mga teachers, medical at administrative staff ang lalahok sa nasabing pagsasanay.
Dagdag niya na ang inisyatibang ito ay bahagi rin ng technical assistance ng World Health Organization at gobyerno ng Australia.
Sa kabilang dako, binigyang diin ni Department of Health officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na tumaas ang bilang ng mga tawag sa crisis hotline ng National Center for Mental Health (NCMH) noong unang quarter ng 2021.
Ang pinakakaraniwan umanong dahilan ng pagtawag sa hotline na ito ay anxiety at depression, mga nakaka-stress na pangyayari sa buhay, interpersonal concern, mood concern, at referral services.
Nauna nang nangako si Vergeire na susuportahan ang mental health facilities at palakasin ang community-based mental health programs sa buong bansa.










