-- Advertisements --

Nakahandang makipag-tulungan ang Department of Health (DOH) sa Commission on Audit (COA) para suriin ang expenditures nito para sa COVID-19 vaccines sa ilalim ng vaccination program sa bansa.

Inihayag din ng DOH na nakahanda sila sa anumang imbestigasyon ng Kongreso at COA kaugnay sa mandato ng ahensiya sa pagpapatupad ng Covid-19 vaccination program.

Una ng ibinunyag ni Senate Committee on Finance Chairman Sonny Angara na siyang dumidepensa sa panukalang P13.1 billion pondo ng state audit agency para sa 2023, na hindi pa nali-liquadate ng COA ang bilyon-bilyong mga bakuna kontra covid-19 na binili mula noong 2020 hanggang 2021.

Aniya, magsasagawa pa lamang ng audit ang COA sa vaccination program dahil nakatali umano ang mga kamay nito sa non-disclosure agreements na nilagdaan sa pagitan ng gobyerno at vaccine manufacturers.

Samantala, sa data mula sa covid-19 vaccination dashboard ng DOH noong Nobiyembre 15, nasa kabuuang 165,439,563 Covid-19 vaccine doses na ang naiturok sa eligible population ng bansa.