
Naglabas ang Department of Education (DepEd) ng guidelines para sa pagdaraos ng Christmas parties sa mga opisina at mga pampublikong paaralan kasabay ng pagluluwag ng mga restriksyon sa gitna ng pandemiya.
Ipinunto ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na dapat gawing simple subalit makabuluhan ang pagdiriwang ng christmas parties at panatilihin ang tunay na diwa ng kapaskuhan sa gitna ng mga hamon na kinakaharap sa ekonomiya.
Batay sa naturang kautusan, dapat na maging boluntaryo at hindi sapilitan ang pag-aambag para sa pagdaraos ng christmas parties na para hindi maging dagdag gastos na papasanin ng mga magulang, mag-aaral at mga kawani ng DepEd.
Ayon pa sa ahensiya, walang mapag-iiwanang mag-aaral mula sa paglahok sa Christmas parties dahil lamang sa nabigo itong makapagbigay ng kontribusyon o regalo.
Ang mga dekorasyon naman sa mga silid-aralan ay dapat na recycled at hindi hinihikayat ang pagbili ng mga bagong dekorasyon.
Maaari ding isagawa ang christmas parties sa kasagsagan ng oras ng klase hangga’t ito ay hindi nakakaabala sa nakatakdang lesson plans.
Pinaalalahanan din ng ahensiya ang mga kawani nito na ipinagbabawal ang solicitation o paglikom ng cash o in kind para sa Christmas parties o holiday celebrations.
Samantala, ang mga pribadong paaralan naman, community learning centers, state o local universities at colleges ay maaaring pumili kung iaadopt ang naturang guidelines ng DepEd para sa kanilang christmas parties.










