-- Advertisements --
k 12

Kasunod na rin ng napaulat na karahasan sa ilang paaralan, nais daw ngayon ng Department of Education (DepEd) na magpatulong na sa mga mental health experts at advocates para bumalangkas at magpatupad ng mga programa para matugunan ang ganitong mga isyu.

Ayon kay DepEd spokesperson Michael Poa, ito ay dahil na rin sa insidente na ikinamatay ng 12-anyos na batang aksidenteng nabaril ang sarili matapos dalhin sa loob ng Benito Nieto Elementary School sa San Jose Del Monte City, Bulacan ang service firearms ng kanyang ama.

Ayon kay San Jose Del Monte City Chief of Police, P/Lt/Col. Ronaldo Lumactod, bandang ala-1 ng hapon binawian ng buhay ang nasabing biktima.

Sa ulat, sinasabing nakitaan ng shrapnel sa utak ang bata dahilan kung bakit isinailalim agad ito sa CT scan ngunit hindi na nito kinaya pa.

Noong nakaraang linggo, namatay din ang isang minor student nang saksakin ito ng kapwa estudyante sa loob ng Culiat High School ng Quezon City.

Sinabi ni Poa na posibleng konektado sa mental health issues ang naturang mga insidente.

Sa isyu naman ng security concerns sa mga paaralan, sinabi ni Poa inatasan na raw ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang lahat ng regional at schools division offices na makipag-ugnayan sa kanilang PNP counterparts para matukoy kung anong mga paaralan ang nangangailangan ng spot inspections ng mga dala ng mga estudyante at mga staff.

Para naman maidepensa ang P150 million confidential fund para sa fiscal year 2023, sinabi ng Education Department na ang surveillance at intelligence gathering ay kinakailangan para masiguro na ang mga proyekto ay target-specific at magreresulta sa mas malawak na proteksiyon ng kanilang mga personnel at estudyante laban sa sexual abuse at iba pang uri ng karahasan, graft and corruption.

Kabilang pa rito ang pagkakasangkot sa iligal na droga ng mga learners at personnel; pag-recruit sa insurgency, terrorism at violent extremism; child labor; child pornography at recruitment sa mga kriminal na aktibidad, gangsterism at financial at iba pang mga scam.

Una rito, aminado rin ang bise presidente na maraming problema na kinahaharap ng mga learners gaya ng sexual grooming o sexual abuse na kinasasangkutan pa ng mga school officials/personnel, recruitment ng mga estudyante sa mga criminal activities, drug use at marami pang iba.