-- Advertisements --
image 257

Patuloy pa rin umanong nakikipag-ugnayan ang Department of Agriculture (DA) sa Sugar Regulatory Administration (SRA) hinggil sa rekomendasyong maibenta sa mga Kadiwa stores ang may 4,000 metric tons ng puslit na mga asukal na nakumpika sa daungan ng Batangas kamakailan.

Sinabi ni DA Spokesperson Assistant Secretary Kristine Evangelista, magiging maingat sila sa desisyong ito at titiyaking pumasa sa food safety ang mga asukal at ligtas na makonsumo ng publiko.

Sakali namang matuloy ang bentahan ng mga nakumpiskang asukal, nais ni Evangelista na mapunta direkta rin sa mga sugar planter ang kikitain rito.

Sa pamamagitan nito, matutulungan aniya ang mga sugar planter para makapagproduce ng mas malaking suplay ng asukal nang maibaba ang presyo nito sa mga pamilihan.

Batay sa monitoring ng DA Bantay Presyo, nasa ₱85 hanggang ₱95 pa rin ang bentahan ng kada kilong asukal sa ilang pamilihan sa Metro Manila.