-- Advertisements --
agriculture

Naniniwala ang Department of Agriculture (DA) na malaki ang tulong ng kanilang isinusulong na pagpaparehistro sa mga cold storage facilities sa pamahalaan para mawakasan na ang problema ng bansa na smuggling.

Sinabi ni Department of Agriculture (DA) deputy Spokesperson Rex Estoperez na ngayon na ang tamang panahon para irehistro ang lahat ng cold storage sa pamahalaan para matugunan ang problema sa aagricultural products smuggling.

Paliwanang ni Estoperez, ang cycle daw kasi kung kailan nagho-hoard o nang-iipit ng agri products ang mga traders ay sa harvest season at nilalagay ang mga ito sa cold storage facilities.

Saka lamang daw ito ilalabas kapag tataas na ang presyo ng mga produktong pang-agrikultura kapag kakaunti na lamang ang supply.

Aminado rin si Estoperez na mayroong imperfections ang pamahalaan pero ngayon na raw ay kikilos na sila para sa kapakanan ng ating mga kababayan.

Una rito, sinabi ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na ang Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BOC) ay dapat maghigpit sa monitoring ng mga ito sa papasok na mga imported agricultural products sa ating bansa.

Kasunod na rin ito nang pagkakakumpika ng mga otoridad sa P3.9 million na halaga ng muggled white onions sa Divisoria sa Manila.

Ang naturang mga sibuyas ay hindi raw ligtas para gamitin kaya nakatakda na itong sirain.

Kung maalala, pinag-iisipan noon ng pamahalaan na ibenta ang mga puting sibuyas sa Kadiwa stalls sa mas murang halaga.

Ang mga sibuyas ay isinakay sa isang trak ng Philippine National Police at dinala sa isang bodega ng Bureau of Plant Industry (BPI) para sa imbentaryo.

Gayunpaman, sinabi ni Estoperez na ang isang phytosanitary test na isinagawa sa mga sibuyas ay natagpuan na ang ani ay hindi ligtas para sa pagkain ng tao.

Sinabi ng opisyal ng DA na susunugin o gutay-gutayin ang mga sibuyas para gawing compost.

Nauna nang sinabi ni Estoperez na ang kasalukuyang imbentaryo ng pulang sibuyas ay nasa humigit-kumulang 13,000 metriko tonelada, at inaasahan nilang aanihin pa ang 5,000 metriko tonelada sa unang linggo o ikalawang linggo ng Disyembre.