Posibleng sampahan ng kasong kriminal, administratibo, at sibil ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang Philippine Ecology Systems Corp. (PhilEco), dating operator ng Navotas Sanitary Landfill, matapos ang naganap na malaking sunog na nagdulot ng makapal na usok sa Metro Manila.
Ayon sa Environmental Management Bureau sa National Capital Region (EMB-NCR), posibleng nabigo ang PhilEco na maayos na maisagawa ang Safe Closure and Rehabilitation Plan matapos itong umalis sa operasyon ng landfill noong Pebrero 2026, ilang buwan matapos mag-expire ang permit nito.
Sa ilalim ng batas, obligasyon ng mga operator ng landfill na takpan ang basura ng lupa, maglagay ng gas venting systems, at pigilan ang pag-ipon ng methane gas na maaaring magdulot ng kusang pagsiklab ng apoy.
Sinabi ng DENR na batay sa inspeksyon, hindi umano natapos ang maayos na pagsasara ng pasilidad, at may mga nakitang kakulangan tulad ng hindi gumaganang water treatment plant at nawawalang mga gas ventilation pipe.
Ayon sa ahensya, maaaring naiwasan sana ang sunog kung natapos ang closure plan.
Tinitingnan ngayon ng DENR ang posibleng paglabag sa iba’t ibang batas, kabilang ang Clean Water Act at Ecological Solid Waste Management Act.
Itinanggi naman ng PhilEco ang pananagutan sa insidente, at iginiit na wala na silang kontrol sa lugar matapos itong kunin sa pamamagitan ng court order kaugnay ng isang development project. Sinabi rin ng kumpanya na sinimulan na nila ang closure plan bago paman sila tuluyang pinaalis sa operasyon.
Bumuo na rin ng task force ang pamahalaan para tutukan ang sitwasyon at maiwasan ang panibagong sunog habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at rehabilitasyon sa lugar.
















