-- Advertisements --

Lumobo na sa 307,704 ang mga kaso ng dengue sa buong bansa mula January 1 hanggang September 14, 2019.

Ayon sa Department of Health (DoH), sa pinakahuling Dengue Surveillance Report ng ahensiya, binanggit na mas mataas ang naitalang bilang ng dengue cases ngayon, kung ikukumpara sa 142,783 na mga kaso na naitala sa kaparehong panahon noong 2018.

Sa mga tinamaan ng dengue sa buong kapuluan, 1,247 na indibidwal ang nasawi.

Ang bilang ng mga namatay ay halos ng doble ng 742 na naitala noong kaparehong panahon ng 2018.

Pinakamaraming kaso ng mga namatay dahil sa dengue ay sa Western Visayas sa bilang na 214, sinundan ng CALABARZON na mayroong 152 na biktimang nasawi.

Sa National Capital Region (NCR), 122 ang mga namatay at sa Central Visayas, 109 ang namatay dahil sa dengue.

Patuloy naman ang pag-monitor ng DoH sa mga rehiyon sa bansa na may mataas na dengue cases gaya sa CALABARZON na may pinakamaraming kaso sa bilang na 49,661.

Maging sa Western Visayas na may 49,068 cases, NCR na may 23,251 ang tinamaan at Central Luzon, 23,046 ang kaso ng dengue.