-- Advertisements --

Iginiit ni House Prosecution Member at Representative Terry Ridon na wala nang puwang ang kampo ng depensa upang gumamit ng anumang delaying tactic kaugnay ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Ridon, maituturing na pormal na deadline ang iskedyul na inilabas ng Impeachment Court kaya kailangang pagkasyahin ng defense team ang kanilang oras sa pagprisinta ng mga ebidensya upang pabulaanan ang mga inilatag ng prosekusyon.

Nauna nang inilabas ng hukuman ang iskedyul ng mga pagdinig para sa buong buwan sa pamamagitan ng isang advisory na may petsang Oktubre 13.

Batay sa opisyal na dokumento ng Impeachment Court, nagsumite na ang kampo ng depensa ng listahan ng 25 testigo na nais nilang iharap sa paglilitis.

Gayunpaman, una nang umatras sa pagiging unang testigo ang political at constitutional law professor na si Ralph Sarmiento.

Bago ito, inihayag ni House Deputy Speaker at Iloilo 1st District Representative Janette Garin ang kaniyang paniniwala na gumagamit ang kampo ni Duterte ng “3D tactic” o “Delay, Delay, and Divert” strategy sa kaso.

Inaasahang maiiwasan ang ganitong mga estratehiya upang hindi mapigilan ang Impeachment Court sa paglalabas ng isang patas at napapanahong desisyon.