Pinabubusisi na ng Malacañang sa Department of Health (DOH) ang bawas na hazard pay at delayed na P1 million benepisyo ng isang nurse sa Cainta, Rizal na namatay sa COVID-19.
Sinabi ni Presidential Spokesman Sec. Harry Roque, hindi katanggap-tanggap ang pangyayaring ito.
Ayon kay Sec. Roque, kwalipikado ang pamilya ng nasawing nurse na si Maria Theresa Cruz, 47-anyos para sa P1 million benepisyo alinsunod sa Bayanihan Act 1 at hindi na dapat pinatatagal na matanggap ito ng kanyang naulilang pamilya.
Kaya inihayag ni Sec. Roque na pinaiimbestigahan na nila sa DOH ang bagay na ito at titiyaking maibibigay sa pamilya ng biktima ang kaukulang benepisyo sa lalong madaling panahon.
Maliban dito, pinapasilip na rin nila sa DOH kung bakit umabot lamang sa P64 per day ang hazard pay ng nasawing nurse batay na rin sa sumbong ng anak ng biktimang si Joie Cruz gayung dapat ay P500 kada araw.
Pero inamin naman ni Sec. Roque na ang hazard pay ay depende sa kakayahan ng isang ospital kung hanggang magkano ang kaya lamang nitong ibigay lalo na kung local hospital ito.















