
Todo paliwanag ngayon ang Bureau of Corrections sa kanilang planong paggawad na ng executive clemency sa mga persons deprived of liberty na may edad 70-anyos pataas.
Ayon kay BuCor officer-in-charge General Gregorio Catapang Jr., pangunahing rason ng kanilang plano ay para ma-decongest na ang mga piitan sa bansa.
Sa ngayon, patuloy pa rin naman daw ang pag-aaral ng Bureau of Corrections (BuCor) sa posibilidad na mabigyan na ng executive clemency ang mga may edad 70-anyos pataas para sa decongestion process ng mga piitan.
Ayon kay Catapang ang naturang hakbang ay pinayagan daw noon sa termino ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Sa ilalim daw ng batas sa panahon ni dating Pangulong Arroyo ay lahat ng nga 70-anyos ay binigyan na ng parole o pinalaya.
Sinabi ni Catapang na naniniwala raw kasi ang dating Pangulo na ang mga 70-anyos pataas ay hindi na makaiisip na gumawa pa ng krimen.
Una nang sinabi ni Department of Justice (DoJ) spokesperson Mico Clavano na ipinaprayoridad daw ngayon ng Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla ang decongestion ng mga piitan sa ilalim ng BuCor matapos lumabas na nasa 300 percent ang congestion rate ng New Bilibid Prison (NBP).
Dagdag ng tagapagsalita ng Justice department na nais daw ni Remulla na mailipat na ang maximum security ng NBP sa Sablayan Prison sa Occidental Mindoro at ang minimum security naman sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija.
Kapag naisakatuparan ang plano ni Remulla, sinabi ni Catapang na nasa mahigit 1,500 elderly PDLs ang puwedeng ilipat sa naturang pasilidad sa Fort Magsaysay.
Base sa resolution ng Board of Pardons and Parole (BPP), ang mga PDLs na eligible para sa parole o executive clemency ay ang mga bilanggong may edad 65-anyos pataas.
Kabilang na rin dito ang napagsilbihan na ng limang taon ang kanilang mga sintensiya at ang mga bilanggong hindi na maganda ang kalagayan ng kanilang mga kalusugan na dapat ay irekomenda ng doktor ng BuCor Hospital at sesertipikahan naman ng Department of Health o na-designate na clinic coordinator ng Malacañang.
Pero ang mga PDLs na convicted ng heinous crimes o illegal drugs-related offenses o ang mga kinilala ng BuCor na “high-risk,” ay hindi raw eligible sa executive clemency.










