Aminado ang Commission on Higher Education (CHED) na may ilang mga state universities and colleges (SUCs) and local universities and colleges (LUCs) ang hindi pa rin nababayaran para sa tuition at miscellaneous ng mga student beneficiaries ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
Ito ay matapos na banggitin ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro kay CHED chairman Prospero De Vera sa pagdinig ng Kamara sa 2021 budget ng kagawaran ang tungkol sa reklamo ng ilang mga SUCs at LUCs hinggil sa delay sa kanilang reimbursements.
Ayon kay De Vera, natatagalan ang pag-download ng pera mula sa Department of Budget and Management (DBM) papunta sa CHED.
Nagkakaproblema rin aniya dahil may ilan din aniyang mga SUCs at LUCs na hindi pa rin compliant sa ngayon sa requirements ng CHED para sa kanilang mga reimbursements.
Bukod dito, habang tumataas ang bilang ng mga estudyante na nag-e-enroll sa higher education institutions ay hindi naman nadadagdagan ang bilang ng kanilang mga tao sa regional offices.










